COVID-19 cases sa South Korea dapat nang tutukan ayon kay Sen. Imee Marcos

Dapat nang kumilos ang gobyerno sa kung anong hakbang ang gagawin sa outbreak ng COVID-19 sa South Korea.

Ayon kay Senator Imee Marcos tila nakatutok ng husto ang gobyerno sa mga Filipino na mula sa barkong Diamond Princess at hindi napapansin ang pagdagsa ng mga turista mula sa South Korea.

Binanggit nito ang paglapag sa Cebu alas 11:00 Martes ng gabi ng isang direct flight mula sa Daegu, South Korea.

Aniya sa Daegu naitala ang 791 sa 977 kaso ng Covid 19 sa buong South Korea.

Dagdag pa ng senadora patuloy din ang direct flights mula Busan. South Korea at ang mga ito ay lumalapag sa Manila, Cebu, Clark, at Kalibo airports.

Sinabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Economic Affairs na dapat ay huwag munang isipin ng gobyerno ang kita mula sa nangungunang tourist market ng bansa at ipa-quarantine na rin ang mga pasahero na magmumula sa South Korea.

Noong nakaraang taon,may dalawang milyong South Korean tourists ang pumasyal sa Pilipinas.

Sa ngayon may 24 bansa na ang may travel ban o mahigpit na quarantine measures sa mga nagmumula sa South Korea.

Read more...