IRR ng Malasakit Center law nilagdaan na

Pormal nang nilagdaan nina Health Secretary Francisco Duque III at mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang Implementing Rules and Regulations o IRR para sa pagpapatupad ng Republic Act 11463 o mas kilala sa Malasakit Center Act.

Ayon kay Duque, ang nasabing batas ay tuluyan nang mapapakinabangan ng mga mamamayan kasunod na din ng paglagda sa IRR kasama ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Company, at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sabi ng kalihim, ang pagtatayo ng mga Malasakit center sa mga pampublikong ospital ay magtitiyak sa mga mamamayang Filipino na sila’y makakatanggap ng ayuda at proteksyon para sa mga kinakailangang serbisyong medikal, maging ang mabilis na transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng itinatag na mga one-stop shop.

Sa ngayon ay nasa 63 Malasakit Centers nationwide ang naitatag na matatagpuan sa 26 na DOH hospitals, 36 sa mga ospital na pjnatatakbon ng mga LGU at isa naman sa PGH sa pakikipagtulungan ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas.

Bawat mamamayang Filipino aniya ay marapat lamang na mabigyan ng tamang pagtrato ng may dignidad at malaskit lalo na sa mga lubos na mga nangangailangan.

Read more...