469 na Pinoy mula MV Diamond Princess darating sa bansa mamayang gabi

Mamayang gabi ang inaasahang dating sa bansa ng 469 na Pinoy na mula sa MV Diamond Princess.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na hapon aalis sa Haneda Airport sa Japan ang dalawang chartered flights sakay ang mga Pinoy.

Limang oras ang kanilang biyahe mula Haneda patungong Pilipinas.

Ayon kay Duque, sa 469 na Pinoy, karamihan sa kanila ay mga crew ng Diamond Princess habang anim naman ay pasahero.

Lahat sila ay sasailalim sa pasusuri bago pasakayin ng bus na maghahatid sa kanila sa Haneda Airport.

Pagdating sa paliparan, mayroong mga quarantine officials ng Japan at Pilipinas na muling susuri sa kanila.

Sa sandaling makarating sa bansa ay muli silang isasailalim sa pagsusuri.

Mahigpit ang gagawing pagbabantay sa kondisyon nila sa kasagsagan ng 14 na araw na quarantine period sa New Clark City sa Tarlac.

Ayon kay Duque, marami na kasing kaso sa ibang mga bansa na ang mga inilikas mula sa MV Diamond Princess ay nagpositibo pagdaig sa kanilang bansa sa kabila ng kawalan ng sintomas nang sila ay ibiyahe mula Japan.

Read more...