Concurrent resolution para sa prangkisa ng ABS-CBN, hindi na kailangan – Speaker Cayetano

Sapat na ang notice ng House Committee on Legislative Franchises sa National Telecommunications Commission (NTC) para ituloy ng broadcast giant na ABS-CBN habang dinidinig ang renewal ng prangkisa nito.

Dahil dito, ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, hindi na kailangan pa na mag-apruba sila ng concurrent resolution na magbibigay ng abiso sa NTC upang isyuhan ng provisional authority ang ABS-CBN kapag napaso na ang prangkisa nito sa Mayo.

Maglalabas na lamang anya ang komite ng notice para sa NTC na sinimulan na nila ang proseso para sa franchise renewal application ng ABS-CBN para hindi mahinto ang operasyon ng naturang kumpanya.

Ayon kay Cayetano, kung sa simula pa lamang ay ayaw na nilang i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN dapat ay hindi na nila sinimulan pa ang proceedings para rito at kaagad na ibinasura ang mga nakabinbin na panukalang batas.

Kasabay nito ay binigyan diin ng lider ng Kamara na papanindigan nila ang pangakong hindi ipapasara ang ABS-CBN.

Nauna nang sinabi ng chairman ng House Comittee on Legislative Franchises na si Palawan Rep. Franz Alvarez na may memorandum of understanding ang NTC at Kamara noong 1994 na nagsasabing maari pa ring ituloy ng mga operator ang kanilang operasyon basta pending sa Kongreso ang kanilang franchise renewal application.

Read more...