9 na Japanese na wanted sa telco fraud ipinatapon ng BI pabalik sa kanilang bansa
Ipina-deport sa kanilang bansa ang siyam na Japanese national na wanted at naaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa telco fraud.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na lulan ng Japan Airlines mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 patungong Narita Airport Tokyo ang siyam na puganteng Hapon.
Kinilala silang sina Irie Dai, Ishii Kyogo, Hamaoka Kantaro, Maeyama Takuto, Tanaka Kazuya, Yoshida Takeshi, Murata Seiichi, Kouki Shouji, at Imizumi Ryo.
Kasama ang mga ito sa unang batch ng 36 deportees na pawang mga Japanese national na naaresto sa Makati City noong Nobyembre ng BI fugitive search unit (FSU).
Ayon kay Morente, ang schedule ng implementasyon ng deportasyon sa iba pang natitira na nasa BI Detention Center sa Camp Bagong Diwa, Taguig ay hindi pa naisasapinal.
Ang nasabing mga dayuhan ay inilagay na rin sa blacklist ng undesirable alien upang hindi na makapasok pa sa bansa.
Napag-alaman na naaktuhan ng BI FSU ang mga dayuhan na nag-ooperate para sa pagsasagawa ng voice phishing upang makapanloko ng kanilang mga kababayan.
Batay naman sa ulat ng Japanese authorities na ang nasabing mga dayuhan ay miyembro umano ng organized crime group na sangkot sa voice phishing at telecon fraud na nakapambiktima na ng maraming Japanese kung saan umabot sa mahigit 2 billion yen o mahigit US$18 milyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.