Position paper ng mga pro at anti ABS-CBN franchise renewal, tatanggapin na ng Kamara

Sinimulan na ng House Committee on Legislative Franchises ang proseso sa renewal ng prangkisa ng broadcast giant na ABS-CBN.

Sa pagdinig ng komite, inanunsyo ni Palawan Rep. Franz Alvarez na simula sa Lunes, February 24, tatanggap na sila ng mga position paper para sa muling pagpapalawig ng prangkisa ng Lopez-led corporation.

Sabi ni Alvarez, “All those who wish to submit position papers, ready na po ang committee na tanggapin po ang ang lahat po ng anti at for ng renewal ng ABS-CBN para po sa mga darating na panahon bago tayo magkaroon ng formal na
hearing ay mapag-aralan at ma-revew na lahat position.”

Sinabi nito na kapag natanggap na nila ang lahat ng position papers at mapag-aralan ay kanilang ikakalendaryo ang pagdinig sa Mayo o kaya naman ay sa Agosto matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito aniya ay para magkaroon sila ng sapat na panahon sa pag-aaral sa posisyon ng mga tutol at pabor para sa franchise renewal ng broadcast giant.

Sa tanong naman ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa National Telecommunication Commission kung ano ang mangyayari sa ABS-CBN matapos ang March 30 na mag-expire ang prangkisa nito.

Sabi ng kinatawan ng NTC, mayroong memorandum of understanding ang NTC at Kamara noong 1994 na maari pang magtuloy ang operasyon ng isang
broadcast network kahit hindi pa nare-renew ang prangkisa basta pending ito sa Kongreso.

Sinabi rin ng kinatawan ng NTC na hihintayin pa nila ang legal opinion ng Department of Justice (DOJ) kung maaring magpatuloy sa kanilang operasyon o kailangan nang magsara ng broadcast giant habang hindi pa aprubado ang
renewal ng kanilang prangkisa.

Iginiit naman ni House Deputy Speaker Johnny Pimentel at isa sa may-akda ng renewal ng ABS-CBN franchise na dapat hintayin ng Kamara ang magiging opinyon ng DOJ sa tanong NTC.

Read more...