Hindi na muna itutuloy ng AFP ang pagputol ng serbisyo ng kuryente ng AFP museum.
Binawi ng Armed Forces of the Philippines ang nauna nitong pahayag na puputulan ng kuryente ang museo sa oras na hindi mabayaran ng foundation na nangangasiwa dito ang mahigit 1.37 milyon pisong utang sa kuryente.
Ayon kay Col. Noel Detoyato, pinuno ng Public Affairs Office ng AFP, nagpahayag na ng kahandaan ang pamunuan ng Sandatahang Lakas na pag-usapan ang posibleng solusyon sa kinakaharap na sitwasyon ng AFP Museum.
Tinugunan lamang aniya ng AFP ang naunang report ng Commission on Audit kaugnay sa hindi nakokolektang pagkakautang sa kuryente at tubig ng mga establisimiyento sa loob ng Kampo Aguinaldo nang kanilang bigyan ng abiso ang AFP museum ukol sa kanilang utang sa kuryente.
Sa ngayon, nangako ang AFP na magpapatuloy ang serbisyo ng kuryente sa AFP Museum habang pinag-uusapan ng foundation at mga opisyal ng Headquarters Support Group ang sitwasyon.
Ang AFP Museum ay isang non-stock nonprofit organization na naglalaman ng mga makasaysayang memorabilia ng ilang mga kilalang personliadad sa kasaysayan ng bansa.
Ilan lamang sa mga artifacts na nasa loob nito ay ang mga personal na uniporme ni Heneral Emilio Aguinaldo at mga orihinal na liham ni Apolinario Mabini.
Kamakailan, iihayag ng pamunuan ng AFP museum na sinisingil na sila ng mahigit P1.37 milyon ng AFP dahil sa hindi nababayarang utang sa kuryente simula pa noong 2013.