Pagsasara ng Honda, maaring dahil sa pagkalugi; Epekto sa ekonomiya, maliit lang – Palasyo

Photo grab from PCOO’s Facebook live video

Minallit lamang ng Palasyo ng Malakanyang ang epekto sa ekonomiya ng pagsasara ng planta ng Honda Cars Philippines Incorporated sa Laguna.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na marami namang kumpanya ang pumapasok sa bansa at nagnanais na maglagak ng pagne-negosyo.

“Siguro, minimal lang ‘yun. Ang dami naming kumpanyang pumapasok,” ani Panelo.

Sinabi pa ni Panelo na maaring nalulugi na at wala nang bumibili sa mga sasakyan ng Honda kung kaya nagpasya nang isara ang planta sa Pilipinas.

Sinabi pa ni Panelo na maaring nagkaproblema ang Honda sa promosyon sa kalidad ng sasakyan at maaring ang mga consumer ay nakakita ng mas magandang kalidad ng mga sasakyan.

Ito aniya ang maaring dahilan kung kaya hindi na mabili ang sasakyan ng Honda at magsasara na lamang.

“Ang problema siguro ng binanggit mong company eh promotion sa mga quality. Ang mga consumer, kung meron silang nakikitang mas maganda at mas quality ang items, doon sila pumupunta. So kung [hindi maganda?] ‘yung binebenta mo, walang bibili,” pahayag pa nito.

Kasabay nito, sinabi ni Panelo na hindi na kailangan na asistihan ng gobyerno ang mga Filipinong manggagawa na mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng Honda.

“Alam mo ‘yung sinasabi mong assistance, pag merong mga… They can just apply. We don’t need to assist them in applying,” aniya pa.

Ayon kay Panelo, may “Build Build Build” program naman ang pamahalaan at maaring doon na lamang maghanap ng trabaho ang mga manggagawa ng Honda.

“Eh di maghahanap ng trabaho, ng bago. Ganoon talaga eh. Kung mag-shut down sila, anong magagawa natin? Nalugi sila. They have to look for another job. Kaya nga may mga “Build, Build, Build” projects para yung ibang mga nadi-displace, makakapasok sila ng trabaho,” dagdag pa ni Panelo.

Sinabi pa ni Panelo na may mga insidente talaga na magsasara ang isang kumpanya kung kaya dapat na maghanap na lamang ng bagong trabaho ang mga apektadong manggagawa.

Read more...