Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na walang halong pulitika ang pagkaka-indict kay dating Health Secretary Janette Garin sa Dengvaxia vaccine.
Tugon ito ng Palasyo matapos makitaan ng probabale cause ng Department of Justice (DOJ) prosecutors para idiin si Garin at siyam na iba pa sa kasong reckless imprudence resulting in homicide dahil sa pagkamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na kailanman, hindi nagkaroon o nahaluan ng pulitika ang mga kasong nakabinbin sa hudikatura.
“Never naming nagkaroon ng halong pulitika. Kapag may dinemanda ka, di ba pag may probable cause, pwede nang idemanda. Walang pulitika diyan,” ani Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na maaring nakakita ng probable cause ang korte kung kaya itinuloy ang demanda kay Garin.
“That’s for the court to decide. Basta nasa Korte na, wala kami diyan. We will not interfere. Let the court do its work,” sinabi pa nito.
Ayon kay Panelo, hahayaan ng Palasyo ang korte na magdesisyon sa kaso ni Garin.
Hindi aniya makikialam ang Palasyo sa trabaho ng korte.
Una rito, sinabi ni Garin na haharapin niya ang asunto subalit nakiusap sa korte na dapat na ibase sa siyensya at hindi sa pulitika ang kaso.