Pangulong Duterte, hindi interesado sa Senate hearing sa ABS-CBN franchise
Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na panoorin at subaybayan ang gagawing pagdinig ng Senado, araw ng Lunes (February 24), kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi interesado si Pangulong Duterte kaugnay sa naturang usapin.
Bukod dito, sinabi ni Panelo na busy at tambak ang trabaho ni Pangulong Duterte kung kaya wala itong oras na manood ng telebisyon.
“Hindi interesado doon si Presidente. Madaming trabaho si Presidente. Too many work,” ani Panelo.
Wala aniyang pakialam ang pangulo dahil trabaho na ng solicitor general na gawin ang kanyang tungkulin.
“Wala. Hindi ba sinabi na namin ang posisyon namin diyan. Trabaho ng SolGen iyan. Hayaan mo siya. Gawin niya ang trabaho niya. Kung ano ang sabihin ng Korte Supreme, eh di susunod tayo,” sinabi pa nito.
Naghain ng quo warranto si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema para ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Panelo, hindi nakikiaalam at hindi panghihimasukan ni pangulo sa bawat galaw ng Kamara, Senado at iba pang mga representante.
“Sino ba nagsabing i-cancel? Eh desisyon nila iyan. Alam mo namang ang Palasyo, hindi nakikialam sa bawat galaw ng Kongreso, Senado, at ibang mga representante. Wala kami doon. It’s their turf. We will not intrude into them,” dagdag pa ni Panelo.
Matatandaang makailang beses nang naghayag ng galit si Pangulong Duterte sa ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere sa kanyang campaign material noong 2016 presidential election kahit bayad na ang airtime.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.