Anim na brand ng wet wipes, ipinagbabawal na sa Baguio
Ipinagbabawal na ang pagbebenta ng ilang wet wipes at iba pang produkto na mayroong ‘harmful ingredients’ sa Baguio City.
Sa Facebook account ng Sangguniang Panlungsod – Baguio, inanunsiyo nito na pinirmahan ni Mayor Benjamin Magalong ang ordinansa matapos itong aprubahan ng city council sa ikatlo at huling pagbasa.
Nakasaad sa ordinansa ang babala ng environmental group na si EcoWaste Coalition ukol sa pagkakaroon ng mapanganib na kemikal ng ilang brand ng wet wipes na maaaring magdulot ng skin allergies at dermatitis.
Ayon sa grupo, mayroong mapanganib na kemikal tulad ng methylchloroisothiazolinone, methylisothiazolinone (MCI/MIT), at iodopropynyl butylcarbamate (IPBC) ang mga sumusunod na produkto;
– Dong Bang
– Dong Bang Yao Baby Tender
– Family Treasure Baby Tender
– Sky Fire Baby Tender
– Giggley Baby Wipes
– Super Soft Skin Care Wet Towel
Sa isinagawang public consultation noong November 2019 ng Committee on Market, Trade, Commerce, and Agriculture, inirekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) ang pagbabawal sa mga nabanggit na produkto.
Sa ilalim pa ng ordinansa, otorisado ang City Health Services Office (CHSO) katuwang ang Public Order and Safety Division (POSD) at barangay officials na mag-inspeksyon sa mga establisimyento at kumpiskahin ang mga ipinagbabawal na produkto.
Sinumang mahuling indibidwal o establisimyento na nagbebenta nito ay pagmumultahin ng P1, 000 sa first offense, P3,000 sa second offense habang P5,000 at hindi pagre-renew ng business permit sa third offense.
Samantala, hindi naman papatawan ng parusa ang kusang magsusuko ng mga ipinagbabawal na produkto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.