Hinirang bilang bagong executive editor ng Philippine Daily Inquirer ang kasalukuyan nitong managing editor na si Jose Ma. Nolasco.
Si Nolasco ang siyang hahalili kay ginang Letty Jimenez –Magsanoc na nagsilbi bilang editor in chief ng pahayagan simula noong 1992.
Si ginang Magsanoc o LJM ay pumanaw bisperas ng Pasko noong nakaraang taon sanhi ng atake sa puso.
Ayon kay Inquirer president and CEO Alexandra R. Prieto-Romualdez, noon pa man, si Nolasco na ang napupusuan ni LJM na pumalit sa kanya sa puwesto.
Suportado aniya ito ng buong puwersa ng Inquirer at ng Inquirer board of directors.
Noong una aniya, ay bantulot pa itong tanggapin ang posisyon, ngunit sa pagpanaw ni LJM, pormal nitong tinanggap ang hamon na pamunuan ang nangungunang pahayagan sa buong bansa.
Sa simula pa lamang ng Inquirer may 30 taon na ang nakalilipas, naging bahagi na si Nolasco ng pahayagan bilang isang political reporter.
Samantala, sa halip na editor in chief, kikilalanin na si Nolasco bilang executive editor.
Ayon kay ginang Prieto-Romualdez, ang titulo ay mas angkop sa pagsusulong ng Inquirer sa makabagong multimedia reporting.
Malugod namang tinanggap ni Nolasco ang hamon sa pagsasabing isang malaking karangalan ang pamunuan ang ‘cream of the crop’ ng Philippine journalism.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.