Mga Pinoy, “most optimistic consumers” ayon sa survey
Sa mga bansa sa Southeast Asia, nanguna ang Pilipinas sa Consumer Confidence Index ayon sa pinakahuling on line survey ng Nielsen.
Ginawa ng Nielsen ang nasabing survey mula November 2 hanggang 25, 2015 sa 30,000 respondents na may access sa internet, mula sa 61 bansa.
Sa kabuuan, ang India ang nakakuha ng pinakamataas na puntos na 131 sa nasabing index, pero sa Southeast Asia, ang korona ay nasa Pilipinas.
Nakakuha ng 117 index score ang Pilipinas, at dahil dito, ang mga Filipino consumers ayon sa survey ang ‘most optimistic consumers’ sa Southeast Asia.
Ayon kay Nielsen Philippines managing director Stuart Jamieson, maraming nakikitang dahilan ang mga Pilipino para mag-diwang o maging maganda ang pakiramdam sa sarili.
Ito aniya ay dahil sa mababang antas ng unemployment rate, patuloy na pag-usad ng ekonomiya ng bansa, pagiging steady ng overseas remittances, at pagdating ng Christmas bonus at ng 13th month pay noong huling quarter ng nagdaang taon.
Ang pagiging optimistic na mamimili ng mga Pilipino ay naka-base sa ganda ng pananaw nila sa trabaho sa susunod na labindalawang buwan o isang taon.
Dagdag pa ni Jamieson, ang mataas na perception ng mga Pinoy sa personal finances, ekonomiya at job prospects ang nagtutulak sa mga consumers para gumastos sa mga tinatawag na ‘discretionary items’.
Kabilang sa mga lumabas na pangunahing “discretionary purchase” ng mga Pinoy ay ang paggastos para sa bakasyon na nasa 27 percent (tumaas ng 1 point), bagong technology products na nasa 25 percent (tumaas ng 2 points), at out of home entertainment na nasa 14 percent (tumaas ng 3 points).
Nakasaad din sa resulta ng survey na 74 percent sa mga Filipino consumers ay naniniwalang maganda ang magiging job prospects ngayong 2016, at di hamak na mas mataas ito kumpara sa global average na 48 percent lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.