Mga residente ng Makati, posibleng mabiktima ng mercury poisoning

 

Inquirer.net/Ecowaste

Nagpadala ng liham ang EcoWaste Coalition kay Makati City Mayor Kid Peña para iparating sa kaniya na may mga nakatambak na sirang fluorescent lights sa tabing kalsada ng Pablo Ocampo Sr. Avenue Extension, kanto ng Zobel Roxas St., sa Brgy La Paz.

Ayon kay EcoWaste Coalition Project Protect coordinator Thony Dizon, maaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang mercury exposure mula sa mga basag na bumbilya, lalo na sa mga bata at mga buntis na madalas napapadaan doon.

Nadaanan umano nila ang nasabing tambak ng mga basag na bumbilya kasama ng iba pang mga basura at construction debris sa nasabing kanto.

Giit ni Dizon, para sa kaligtasan ng mga trabahador na malapit doon, pati na sa mga napapadaang tao, umapela sila kay Peña na agad solusyunan ang problemang ito.

Natuklasan rin kasi ni Dizon mula sa mga kolektor ng basura na hindi pala ito ang unang beses na may mga nagtapon ng basag o sirang mga bumbilya sa parehong lugar.

Bilang paunang aksyon, hiniling nila kay Peña na maglagay ng karatula sa nasabing lugar na magbabawal sa pagtatapon ng mga sirang compact, circular at linear fluorescent lamps at mga baterya, pati na ng iba pang mga basura sa nasabing lugar.

Dapat rin aniyang naka-lagay doon na ang mga ganoong uri ng basura na mapanganib sa kalusugan ay dapat dinadala sa isang government accredited treatment, storage at disposal facility.

Umaasa rin sila na maipatupad rin ito sa lahat ng barangay ng lungsod.

Tiniyak naman ni Makati City Information Officer Gibo Delos Reyes na iniimbestigahan na ng Makati Department of Environmental Services at pati na ng kanilang health department ang report na ito at gumagawa na sila ng mga paraan para maiwasang maulit pa ang ganitong insidente.

Read more...