Ayon kay Cayetano, labag sa konstitusyon ang gagawing imbestigasyon ng komite ni Senator Grace Poe.
Sinabi nito na nagtataka siya kung bakit atat na atat ang mga senador na pag-usapan ang ABS-CBN franchise gayong tiklop naman sa panukalang Charter Change o ChaCha.
Sang-ayon din aniya siya sa pagkwestyon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kay Poe kung ano ang didinggin nito gayong hindi pa naman nasisimulan ng Kamara ang franchise hearing.
Kapag ibinasura ng Mababang Kapulungan ang franchise ng network ay wala namang dapat dinggin ang Senado.
Mainam, ayon kay Cayetano, na hintayin na lamang ng Senado ang resulta ng pagdinig sa franchise ng Kamara upang magkaroon sila ng records ng mga may gusto at ayaw sa franchise renewal.
Bukod dito, isang local bill din na maituturing ang franchise bill ng ABS-CBN kaya dapat na sa Kamara talaga ito magsisimula.