PNoy, malinaw na may pananagutan sa Mamasapano incident
Si Pangulong Noynoy Aquino ang dapat sisihin at may responsibilidad sa kinahinatnan ng Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao noong January 25, 2015, na ikinasawi ng SAF 44.
Ito ang nilalaman ng sariling Mamapasano report ng House Independent Minority Bloc.
Sa naturang Mamasapano report, sinusuportahan ang findings ng Senado na nagsabing ‘ultimately responsible’ ang Presidente sa magudong bakbakan.
Sinabi ng Independent Minority ng Kamara, bilang chief executive at commander in chief, nabigo ang Pangulo na magbigay ng guidance at leadership sa pagpa-plano, pagsasakatuparan at after mission ng Oplan Exodus.
Kabilang sa kritikal na pagkukulang daw ni Presidente Aquino ay nang aprubahan nito ang misyon, batay lamang sa impormasyon mula sa limitadong circle of subordinates na pinangungunahan ng noo’y suspended PNP Chief Allan Purisima.
Ang maituturing naman na pinakamabigat na responsibilidad ng Pangulo ay ang kabiguan nitong kumilos at mag-utos ng suporta para sa mga SAF troopers na nakasabak sa operasyon.
Kung nag-utos anila si Pnoy, maiiwasan sana ang pagkasawi ng SAF 44.
Hindi naman pinalusot ng Independent Minority ang Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Mamasapano clash, dahil nagpabaya umano ang pamunuan nito sa pagkukuta ng mga terorista at ayaw ding isuko ang MILF rebels na pumaslang sa SAF 44.
Bagama’t mayroon nang isinapublikong Mamasapano report ang Independent Minority, ang dalawang lupon na nagsiyasat sa engkwento ay wala pa ring inilalabas na report.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.