Mahigpit na panuntunan sa pag-isyu ng TRO at iba pang Court orders, pinatitiyak ni CJ Peralta
Pinagsusumite na ng Korte Suprema ang mga mahistrado ng Court of Appeals, Sandiganbayan at Court of Tax Appeals ng kopya ng lahat ng kanilang mga nai-isyung temporary restraining order (TRO), status quo ante order, writ of preliminary injunction, at kautusan ng kanilang voluntary inhibition.
Batay sa Administrative Order No. 63-2020, mahigpit ang kautusan ni Chief Justice Diosdado Peralta na kinakailangang maisumite ng mga mahistardo ang kopya ng nasabing orders limang araw mula nang ito ay kanilang ibaba simula sa unang araw ng Marso.
Habang sa Administrative Order No. 62-2020, inoobliga naman ang lahat ng mga mahistrado ng mga nasabing korte, kasama na ang mga third, second at first-level courts judges na magsumite ng kanilang kopya ng mga kautusan ng ginawang pag-atras o pag-inhibit sa isang kasong naiatas na, o nai-raffle sa kanilang sala.
Kasunod na din ito ng mga natatanggap na ulat ni Peralta na nadadalas ang ganitong gawain ng mga mahistrado at hukom sa iba’t ibang mga kadahilanan.
Lahat ng kopya ng mga kautusan ay kinakailangang isumite sa pamamagitan ng e-mail o postal mail at naka-address sa Office of the Chief Justice at naka-copy furnish sa Office of the Court Adminsitration.
Pinalalahanan ni CJ Peralta ang mga mahistrado at hukom na kinakailangan nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang walang kinikilingan at pinapaboran alinsunod sa isinaad ng New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary.
Ang hakbang ng punong mahsitrado ay bahagi pa rin ng kanyang Ten-Point Program na nakaankla sa pagsusulong ng integrity, efficiency, service at security.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.