Nakahanda ang Palasyo ng Malakanyang na bigyang proteksyon si Lt. Col. Jovie Espenido.
Pahayag ito ng Palasyo matapos ibunyag ni Espenido na maari siyang patayin ng mga tauhan ng pamahalaan o ng mga pulis dahil sa kanyang mga nalalaman sa ilegal na droga.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, hindi mag-aatubili ang pamahalaan na bigyan ng seguridad si Espenido kung hihingi ng tulong.
“As I said in my statement, I don’t know who asked that and I made a statement that if that is the fear of Col. Espenido then we cannot stop him from entertaining such apprehension. But the President will not allow anyone to be hurt or to be harmed outside of what is allowed by law. Outside of legal processes, or methods sanctioned by law. If Col. Espenido would want to ask for any protective measure from the government, then he can so request,” ani Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na nagkausap sila, Miyerkules ng gabi (February 19), ni Pangulong Rodrigo Dutete at sinabing buo pa naman ang kanyang tiwala kay Espenido.
Wala na rin aniyang balak si Pangulong Duterte na pakialaman pa ang trabaho ng Philippine National Police (PNP) matapos sabihin ni PNP chief General Archie Gamboa na iimbestigahan niya si Espenido dahil sa paglabag sa kanyang gag order.
Una nang sinabi ni Espenido na nangangamba siya sa kanyang kaligtasan.