Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na saktan ang sino man lalo na ang mga pamamaraan na nasa labas ng legal na proseso na itinatakda ng batas.
Pahayag ito ng Palasyo matapos sabihin ni Lt. Colonel Jovie Espenido na maari siyang patayin ng gobyerno dahil sa ilegal na droga.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo,hindi mapipigilan ng Palasyo si Espenido na magbulalas ng kanyang mga pangamba.
“If that is Col Espenido’s fear, we can not stop him such apprehension. He must have some reasons. PRRD will not allow any harm to anyone outside of legal processes and methods sanctioned by law,” ayon kay Panelo.
Maari aniyang may sariling basehan si Espenido sa kanyang mga pahayag.
Una rito, sinabi ni Espenido na maaring ang mga pulis din ang papatay sa kanya.
Isa si Espenido sa mahigit tatlong daang pulis na sinibak sa puwesto dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na droga.
Matatandang makailang beses nang pinuri ni Pangulong Duterte si Espenido dahil sa pagsasagawa ng operasyon sa mga pinaghihinalaang drug lord na sina Ozamiz City mayor Reynaldo Parojinog at Albuera mayor Rolando Espinosa.
Parehong napatay sina Parojinog at Espinosa sa drug operations.