Pemberton mananatili sa Camp Aguinaldo

pemberton laude
Inquirer file photo

Tuluyan nang ibinasura ng Mataas na Hukuman ang petisyon ng pamilya ng transgender woman na si Jennifer Laude na mailipat sa isang regular na kulungan si US Marine Corporal Joseph Scott Pemberton.

Sa inilabas na pahayag ni Supreme Court spokesman Atty. Theodore Te, sinabi ng Mataas na Hukuman na walang pagsang-ayon ang government prosecutor sa petisyon na inihain ng pamilya Laude.

Ipinaliwanag ng Supreme Court na ang isang kaso kung saan ang tumatayong complainant ay ang “People of the Philippines”, tulad ng kaso ni Laude ay kinakailangang katawanin ng isang government prosecutor at bahagi nito pati ang pagsusumite ng mga apela at petisyon.

Noong December 1, 2015 ay hinatulan ng 6 years imprisonment si Pemberton dahil sa kasong homicide makaraang mapatunayan ng hukuman na siya ang pumatay kay Laude.

Magugunitang iniutos ng Olongapo City Regional Trial Court na kaagad na ilipiat sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City si Pemberton pero hindi ito nangyari nang magmatigas ang kanyang mga Amerikanong escorts.

Si Pemberton ay nananatili sa isang pasilidad sa loob ng Headquarters ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo.

Read more...