Itinanggi ni Vice President Leni Robredo na bahagi siya ng mga ikinakasang malawakang kilos protesta sa Sabado, February 22.
Sa kaniyang pahayag sinabi ng bise presidente na nakarating na sa kaniya ang mga impormasyon na mayroong malaking protestang isasagawa para ipanawagan ang pagbaba sa pwesto ni Pangulong Duterte.
Bagaman ginagarantyahan aniya ang karapatan ng mamamayan na magtipon at ipahayag ang kanilang mga saloobin ay dapat aniyang idaan ito sa prosesong naaayon sa Saligang Batas.
Sinabi ni Robredo na hindi siya bahagi ng anumang panawagang bumaba sa pwesto si Pangulong Duterte.
Ang tanging panawagan umano niya ay ang gawin lang ng lahat ng nasa gobyerno ang trabaho bilang mga lingkod-bayan.
Tiwala naman si Robredo na magiging mapayapa ang ikinakasang pagtitipon.