Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, hindi nahinto ang under ground construction at nagpapatuloy ito.
Ang tanging ipinrotesta lamang aniya ng QC-LGU ay ang biglaang pagbabago sa disensyo ng istasyon ng tren na ilalagay sa Quezon City Memorial Circle.
Sinabi ng alkalde na halos 6 na beses na mas malaki ito kumpara sa orihinal na disenyo na unang inaprubahan ng lokal na pamahalaan.
Aabot din sa halos 3 palapag na ang itatayong istasyon at lalagyan ng maraming stalls na parang magmimistula nang mall.
Sinabi ni Belmonte na nagkaroon na ng pulong sa pagitan ng QC-LGU at Department of Transportation (DOTr) at San Miguel Corporation (SMC) hinggil sa isyu.
Kapwa naman aniya “responsive” ang DOTr at SMC sa inilahat ng lokal na pamahalaan.
Mismong ang DOTr din ang nagsabi na tuluy-tuloy ang konstruksyon ng San Miguel Corporation sa MRT-7 kaya walang nangyayaring delay.