Maguindanao isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng El Niño
Isinailalim na sa state of calamitiy ang lalawigan ng Maguindanao dahil sa pinsala sa pananim na dulot ng nararanasang El Niño.
Ayon kay Maguindanao Gov. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu, inaprubahan na ng provincial council ang kaniyang rekomendasyon nan a magdeklara ng state of calamity matapos makaranas ng matinding tagtuyot ang 30 bayan sa lalawigan.
Ang Maguindanao ay isa sa mga lalawigan na nauna nang tinukoy ng PAGASA na makararanas ng matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Sa report ng provincial agriculture office ng Maguindanao, mahigit P150 million na halaga ng pananim na mais palay at iba pang high value crops ang napinsala simula buwan noong nagdaang buwan ng Enero 2016.
Umabot na sa 10,000 mga magsasaka sa lalawigan ang apektado ang kabuhayan.
Ayon kay Mangudadatu, may mga natanggap na rin siyang balita na ilang miyembro ng indigenous people sa South Upi, Maguindanao mula sa ‘Teduray tribe’ ang nagtitiis na lamang kumain ng “kayos” o “kadyos” (wild yam) dahil nasira na ang iba nilang pananim.
Ang “kayos” o “kadyos” ay isang poisonous root crop na kung hindi malilinis ng tama bago iluto ay maaring makamatay sa sinomang kakain nito.
Sinabi ni Mangudadatu na nagpadala na siya ng mga tauhan ng provincial government sa South Upi para magdala ng pagkain sa tribo.
Isa pa sa nakadaragdag sa problema ng mga magsasaka ang ‘rodent attacks” sa mga pananim na nakatakda na sanang anihin.
Sa bayan ng Datu Abdullah Sangki matindi na aniya ang epekto ng rat attacks na sumira na sa aabot sa 800 ektarya ng mga tanim na mais at palay.
Gamit ang calamity fund, sinabi ni Mangudadatu na tutulungan nila ang mga magsasaka na ma-recover kahit man lang kalahati ng mga nalugi sa kanila bunsod ng nasirang pananim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.