Senate hearing sa ABS-CBN franchise tuloy – Sen. Poe

Gagawa ng paraan si Senator Grace Poe para mapaaga nang ilang araw ang itinakdang pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Public Services sa mga reklamo laban sa ABS-CBN.

Ito ang sinabi ni Poe matapos maghain ng ‘very urgent motion’ sa Korte Suprema si Solicitor General Jose Calida para pagbawalan ang lahat na pag-usapan ang mga merito sa naunang inihain niya na quo warranto petition laban sa higanteng media network.

Ngunit naninindigan si Poe na hindi mapipigil ng bagong mosyon ni Calida ang pagsasagawa nila ng pagdinig na naitakda na sa Pebrero 27.

Tiwala ito na kikilalanin ng Korte Suprema ang Senado bilang ‘co-equal branch’ ng gobyerno.

Duda ng senadora, inihain ang mosyon para pigilan ang mga inimbitahan nilang resource persons sa isasagawang pagdinig na magbigay-linaw sa isyu ukol sa mage-expire na prangkisa ng ABS CBN.

Ayon pa kay Poe, sakaling magpalabas ng ‘gag order’ ang Kataastaasang Hukuman ay kanilang kukuwestiyonin ito sa Korte Suprema para magkaroon ng linaw.

Read more...