ABS-CBN pinagkokomento ng SC sa hirit na gag order ng SOLGEN
Pinagko-komento ng Korte Suprema ang ABS-CBN Corporation at subsidiary nito na ABS-CBN Convergence Inc. kaugnay sa petisyon ng Office of the Solicitor General na humihirit ng gag order.
Ayon kay Atty. Brian Keith Hosaka, ang tagapagsalita ng Korte Suprema, ang mga respondent ay binibigyan ng limang araw para magsumite ng komento.
Ito umano ang pasya ng En Banc makaraang matanggap ng urgent motion para sa gag order ng SolGen, Martes ng umaga.
Sa Very Urgent Motion for Issuance of Gag Order, petitioner si Solicitor General Jose Calida at respondents ang ABS- CBN Corporation at ABS-CBN Convergence Inc.
Hiling ni Calida, maglabas ng gag order ang Korte Suprema para pagbawalan ang mga partido o mga indibidwal na kumakatawan sa ABS-CBN na maglabas ng anumang statement na tumatalakay sa merito ng prangkisa ng naturang kumpanya.
Sinabi ni Hosaka na ang paghahain ng komento ng ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence Inc. ay bahagi ng due process at upang mabigyan sila ng pagkakataon na makapaghayag ng posisyon ukol sa petisyon.
Sa susunod na linggo, ang En Banc session ng Supreme Court ay gagawin sa Miyerkules dahil holiday sa Martes o selebrasyon ng EDSA People Power Revolution.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.