Mas mahigpit na parusa laban sa child abuse pasado na sa Kamara

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para sa mas mahigpit na parusa laban sa child abuse, exploitation at discrimination.

Sa botong 228 na Yes at walang pagtutol nakalusot na sa plenaryo ang House Bill 137 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa ilalim ng panukala, ang sinumang masasangkot sa mahalay na pagpapalabas o publications gamit ang mga menor de edad ay mahaharap sa 17 taon at apat na buwan na pagkakabilanggo.

Kung ang gagamiting subject /performer /seller o distributor sa mga malalaswang gawain ay nasa edad 12 taon pababa ay mahaharap sa habambuhay na pagkakakulong at kung guardian ang sangkot ay mapaparusahan ng 20 taong pagkakakulong.

Kung child labor practices, ang sinumang lalabag ay mahaharap sa isang taon hanggang anim na taon na pagkakakulong na may multang P100,000 hanggang P300,000 habang kung delikado sa buhay ng bata ang trabaho na ibinibigay dito ay mapaparusahan naman ng 12 hanggang 20 taon at P200,000 hanggang P1 million na multa.

Ang mga magdi-discriminate naman sa mga kabataang kabilang sa indigenous cultural communities o mga katutubo ay mahaharap sa dalawa hanggang apat na taon at multang P50,000 hanggang P100,000.

Layunin ng panukala na masawata ang exploitation sa mga kabataan sa pamamagitan ng mahigpit na pagpaparusa sa mga lalabag sa oras na ito ay maging ganap na batas.

Palalakasin din nito ang mga development at protection programs at services ng mga kabataan.

Read more...