PNP hindi na kailangan na kumuha ng clearance sa Malakanyang sa paglalabas ng narcolist
Walang balak ang Malakanyang na sitahin, sawayin o pagbawalan ang Philippine National Police sa paglalabas ng narcolist.
Pahayag ito ng palasyo matapos kumpirmahin ni Interior Secretary Eduardo Año na kasama sa narcolist si Lt. Col. Jovie Espenido ang kontrobersyal na police officer na nagsagawa ng drug operations laban kina Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog at Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Pero ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte hindi siya naniniwala na kasama sa narcolist si Espenido.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi na kailangan na humingi ng clearance ng PNP sa palasyo.
Ani Panelo, lahat ng official reports na isinusumite kay Pangulong Duterte ay kanya itong pinag-aaralan at saka naglalabas ng sariling desisyon.
Una rito sinabi ni Panelo na bagaman inabswelto na ni Pangulong Duterte si Espenido sa narcolist ay hindi ito nangangahulugan na “off the hook” na ang opisyal.
Sasailalim pa rin aniya si Espenido sa imbestigasyon para mabusisi kung sangkot o hindi sa ilegal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.