Ang pagkasawi ng lalaki ang unang naitalang fatality sa Taiwan at ikalima sa mga nasawi sa labas ng mainland China habang may 20 pa ang nagpositibo rin sa COVID-19.
Ayon kay Health Minister Chen Shih-chung, ang nasawing lalaki ay hindi lumabas ng kanilang bansa ngunit ang mga kliyente nito ay pawang mga mula sa Hong Kong, Macau at mainland China.
Dagdag pa sa health minister, nakumpirma na isa sa miyembro ng pamilya ng nasawi ay positibo rin sa virus. Ito ang unang kaso ng local transmission.
Patuloy naman ang imbestigasyon at paghahanap ng posibleng pinagmulan ng virus.
Magsisimula naman ngayong Lunes ( February 17) ang testing sa mga pasyenteng may sintomas na may kaugnayan sa COVID-19 at mga bumiyahe sa ibang bansa.
Samantala, ginagawan naman na ng paraan ng pamahalaan ang kakulangan ng supply sa masks dahil sa panic buying ng mga mamamayan.
Matatandaang nagpatupad ang Taiwan ng ban sa mga Chinese nationals at mga foreigners na mula sa China na magtutungo sa kanilang bansa, nagkansela rin ng flights at may ilang paaralan na nagpalawig ng kanilang Lunar New Year holiday para mapigilan ang pagpasok ng virus sa bansa.