Driver at operator ng bus na sumagasa sa mga plastic barriers sa EDSA ipapatawag ng LTFRB
Iimbestigahan ng LTFRB ang driver at operator ng Joanna Jesh bus na nag-viral sa social media matapos sagasaan ang mga plastic barriers sa EDSA southbound bago sumapit sa Ayala.
Ayon sa LTFRB, magpapalabas sila ng summon ngayong araw para paharapin ang driver at operator ng bus.
Sa video mula sa isang Ian Santos, na ipinost sa Facebook page ng Top Gear, makikitang sinagasaan ng bus ang mga barriers dahilan para magtalsikan ang mga ito at humarang sa lansangan.
Kuwento ni Santos, nagmamaneho siya sa EDSA southbound nang makita niya ang dalawang bus kabilang ang Joanna Jesh na nag-uunahan habang sila ay nasa bus lane.
Kumabig pakaliwa ang Joanna Jesh bus dahilan para tamaan nito ang helera ng mga plastic barriers.
Tumilapon ang mga plastic barriers at humarang sa tatlong lane ng EDSA na designated para sa mga private vehicles.
Hindi umano agad huminto ang bus at tuloy-tuloy sa kaniyang pagbiyahe.
Bus lane + EDSA + reckless bus drivers = THIS. (Video from Ian Santos)
Posted by TOP GEAR PHILIPPINES on Monday, February 1, 2016
Pero sa kwento ng isang FB user na si Phen Sergio Rabano, sakay umano siya ng nasabing bus ng mga oras na iyon. Nagawa umanong pahintuin ng isang MMDA lady enforcer ang bus.
Dagdag pa ni Rabano, sa bahagi pa lamang ng Boni sa EDSA ay napansin na nilang kaskasero ang driver ng nasabing bus. Sinabihan pa umano ito ng kaniyang kunduktor pero hindi nito pinansin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.