DOLE, hiniling na sa DOH na alisin ang travel ban sa Taiwan

Hiniling na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Health (DOH) na alisin ang ipinatutupad na travel ban sa Taiwan para sa mga pabalik na overseas Filipino workers (OFW).

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng kagawaran na patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa DOH.

Humingi ng pasensya si Bello sa mga apektado ng travel ban dahil aniya, magsasagawa na ng review ukol dito.

Habang hinihintay ang pag-aalis nito, tiniyak ni Bello na tuloy naman ang pagbibigay ng tulong-pinansyal.

Inatasan na aniya ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magbigay ng tulong tulad ng P10,000 na financial assistance, accommodation, food, at transportation assistance sa mga apektado ng travel ban.

Ani Bello, sigurado siyang magiging positibo ang tugon sa resulta ng isasagawang assessment.

Ngunit sa ngayon, hiniling ng kalihim sa mga apektado nito na maghintay ng tatlo hanggang limang araw.

Giit pa nito, layon lamang ng temporary ban ng DOH na matiyak ang kaligtasan kasunod ng banta sa Coronavirus Disease o COVID-19.

“We are seeking understanding from our OFWs because the implementation of a temporary ban by the DOH is for your own safety as well. We hope for a possible lifting of the ban in a few days,” ani Bello.

Read more...