11 Filipino sa dumaong na cruise ship sa Japan, nagpositibo sa COVID-19 – DFA
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang ilang Filipinong sakay ng dumaong na Diamond Princess cruise ship sa Japan.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng kagawaran na hanggang February 13, 11 Filipino sa cruise ship ang nagpositibo sa sakit batay sa isinagawang pagsusuri.
Lahat anila ng mga apektadong Filipino ay naka-confine sa iba’t ibang ospital sa bahagi ng Tokyo.
Nagpapadala naman ang DFA, sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Tokyo, ng tulong tulad ng toiletries at non-medical supplies sa mga Filipinong naka-confine.
Binisita rin ng isang team mula sa embahada ang mga Filipino para personal na kausapin ang mga doktor at social worker na nakatalaga sa mga ito.
Samantala, sinabi ng DFA na wala namang kabilang na Filipino sa panibagong batch ng 44 katao na nagpositibo sa virus.
Sa tala ng kagawaran, nasa 500 Filipino ang sakay ng cruise ship na nananatiling nakasailalim sa quarantine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.