Alok ni PNP chief Gamboa na early retirement sa mga pulis na kasama sa narcolist, okay lang sa Palasyo

Walang nakikitang masama ang Palasyo ng Malakayang sa alok ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Gamboa na mag-avail na lamang ng early retirement ang mga pulis na may sabit o kasama sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Dutete.

Pero ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, dapat na tiyakin lamang na hindi makalulusuot sa kasong kriminal ang mga pulis na sabit sa narcolist.

Sinabi pa ni Panelo na mistulang pag-amin na rin ang ginawa ng mga pulis kung maagang magreretiro sa serbisyo dahil sa pagkakadawit sa narcolist.

Ibang usapan na kasi aniya kung bibigyan ng criminal waiver o hahayaan na lamang ni Gamboa na magretiro ang mga pulis na dawit sa narcolist nang hindi man lang inuusig ng batas lalo na sa aspetong kriminal.

Sinabi pa ni Panelo na hindi naman simpleng palusot ang pagreretiro para hindi na ma-prosecute lalo na kung mayroong ebidensya na totoong kasama sila sa narcolist.

“Subject to prosecution naman, eh. It would be different kung binigyan mo ng retirement tapos may criminal waiver ang prosecution. Ibang usapan yun. That would be unlawful. You cannot waive criminal prosecution when there is a violation of law,” ani Panelo.

Una nang inalok ni Gamboa ang 357 na pulis na nasa narcolist ni Pangulong Duterte na mag-retire na lamang para makaiwas na sa mahabang proseso ng pagdinig sa kasong administratibo.

Read more...