Pagbalewala ni Trump sa VFA, nirerespeto ng Palasyo

PHOTO GRAB FROM PCOO’S FACEBOOK LIVE VIDEO

Iginagalang ng Palasyo ng Malakanyang ang naging pahayag ni U.S. President Donald Trump na okay lang sa kanya na ibinasura na ng Pilipinas ang Visiting Forces Agreement (VFA) at nakatipid sila ng pera.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, naiintindihan ito ng Palasyo na makapagbitaw nang maanghang na salita si Trump dahil sila ang nakinabang sa VFA.

Natural aniya na magkaroon ng anumang reaksyon dahil naperwisyo ang Amerika sa pagkakabasura sa VFA.

“Alam po ninyo natural lamang na ang isang bansa gaya ng Amerika na magkaroon ng ano mang reaksyon dahil sila ang kumbaga, naperwisyo, dahil sila naman talaga ang nakikinabang dito sa Visiting Forces Agreement,” ani Panelo.

Kailangan kasi aniya ng Amerika ang VFA sa pangkalahatang pangdepensa.

Sinabi pa ni Panelo na ang mahalaga ay ito na ang tamang panahon na ibinasura ang VFA dahil matagal nang dapat na kumalas ang Pilipinas sa naturang kasunduan.

Panahon na kasi aniya na hindi dapat na umasa ang Pilipinas sa ibang bansa para ipagtanggol ang sarili.

“Pero gaya ng paggalang ni Trump sa desisyon ni Presidente ay igagalang din natin kung ano ang desisyon nila. Ang mahalaga kay Presidente, ito na ang panahon, matagal na dapat na kumalas tayo diyan sapagkat… na ipagtanggol ang bansa. At huwag tayong umasa,” dagdag pa nito.

Read more...