Pagpapagaan sa trabaho ng mga guro, isinusulong sa Kamara
Pinalilimitahan ni Albay Rep. Joey Salceda ang oras ng trabaho ng mga public school teacher sa bansa.
Sa House Bill 6231 o Teacher Empowerment Act na inihain ni Salceda, nais nito na gawing walong oras na lamang ang administrative functions o trabaho ng mga guro sa paaralan at gawing magaan ang workload ng mga ito.
Binibigyang pagkakataon din ang mga guro na magturo base sa kanilang expertise gayundin ang pagkakaloob ng scholarship sa mga residente sa malalayong lalawigan upang doon na rin magturo sa kanilang lugar at paglikha ng support administrative staff.
Nakasaad din sa panukala na magkaroon ang mga guro ng continuing professional development (CPD) program o mga pagsasanay na hahasa pa sa kanilang kaalaman at kakayahan.
Sa ganitong paraan anya ay maitataas ang antas ng critical thinking at comprehension ng mga estudyante matapos na manguna sa pinakamababa sa reading comprehension at pumangalawa sa pinakamababa sa math at science ang bansa, batay sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA).
Iginiit ni Salceda na bahagi ito ng Comprehensive Education Reform Agenda na layuning gawing learner-centered at itaas ang resulta ng pagkatuto sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.