CHR, kinondena ang pagpatay sa isang alkalde sa Maguindanao

Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpatay kay Talitay, Maguindanao Mayor Abdul Wahab Sabal.

Pinagbabaril si Sabal nang dalawang hindi pa nakikilalang gunman sa labas ng isang hotel sa Quirino Avenue sa Malate, Manila Martes ng gabi.

Napabilang si Sabal sa inilabas na narcolist noong 2016.

Ayon kay Atty. Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, ang nasabing insidente ay isa na namang “pattern of impunity and violence.”

Iginiit ni de Guia na dapat manaig ang rule of law sa kaso.

Aniya, ang paghahatol at pagbibigay ng hustisya ay makakamit sa pamamagitan ng tamang paraan.

“This continued bloodshed is a failure of the State in protecting its citizens, as primary duty bearers and protectors of human rights,” aniya pa.

Dahil dito, hinikayat ng CHR ang gobyerno na gumawa ng hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga opisyal sa bansa.

“This cycle of violence must be addressed, for its lasting effects and consequences are already being felt,” dagdag pa nito.

Nanawagan ang CHR ng payapa at long-term solution para tugunan ang problema sa ilegal na droga upang magkaroon ng mas ligtas na komunidad para sa mga Filipino.

Nagparating din ng pakikiramay ang CHR sa mga naiwang mahal sa buhay at kaibigan ni Mayor Sabal.

Read more...