Malaki ang posibilidad na mahinto ang operasyon ng AFP Museum sa loob ng Camp Aguinaldo na naglalaman ng mga mahahalagang alaala at memorabilia na may kinalaman sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ito’y sa kadahilanang nanganganib na itong maputulan ng serbisyo ng kuryente dahil dalawang taon nang hindi nakakabayad ang AFP museum.
Ayon kay museum administrator Elizabeth Dapiton, nakatanggap na sila ng notice of disconnection mula sa General Headquarters at Headquarters Service Command na nagsasabing mapuputulan na ng kuryente ang museo.
Ito’y kung hindi mababayaran ang P1.375 milyong utang nito sa kuryente simula noong November 2013.
Paliwanag ni Dapiton, noong panahon ni dating AFP Chief of Staff Gen. Arturo Enrile, may verbal agreement ang AFP at ang non-stock non-profit foundation ng AFP museum na sasagutin nito ang kuryente ng museo.
Gayunman, simula noong November 2013, sinimulan silang singilin ng kuryente dahil itinuring silang tenant ng AFP.
Sakaling mawalan ng kuryente, maaari aniyang masira ang libu-libong artifacts na nasa loob dahil sa init at moisture.
Ilan sa mga mahahalagang nilalaman ng AFP museum ay ang ilang personal na uniporme ni Heneral Emilio Aguinaldo at mga personal na liham ni Apolinario Mabini.
Pero sa kabila ng posibilidad na maputulan ng kuryente, nagpapasalamat pa rin ang museo sa AFP dahil sa suportang ibinigay sa kanila nitong nakalipas na mga taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.