Dating UST coach pumalag sa mga bintang ng pananakit at pagmumura

By Den Macaranas February 01, 2016 - 08:35 PM

UST dela cruz
Inquirer file photo

Binasag na ni dating University of Santo Tomas head coach Bong Dela Cruz ang kanyang pananahimik tungkol sa pagkaka-alis sa kanya sa UST Basketball Team.

Una nang lumabas ang balita sa official publication ng UST na The Varsitarian na sinibak si Dela Cruz dahil sa reklamo ng mga players nito.

Binanggit sa ulat na bukod sa pagmumura ay madalas din daw saktan ng dating coach ang kanyang mga players.

Sa kanyang inilabas na pahayag sinabi ni Dela Cruz na hindi totoo ang nasabing ulat, “Nais kong ipabatid na simula nang lumabas ang mga “issues” o usapin labas sa akin ay nagpasya akong manahimik, dahil walang katotohanan ang mga binabatong issues laban sa akin at naniniwala ako na magtatapos ito sa tinatawag na “Natural Death”, subalit sa paglipas ng mga araw ay nararamdaman ko na lumalala na ang ginagawang paninira hindi sa kakayahan ko bilang coach kung ‘di paninira sa aking pagkatao”.

Dagdag pa ni Dela Cruz, “Lubha kong ikinalulungkot ang mga nangyayaring kaganapan dahil bukod sa akin, ang aking pamilya ay lubha nang naaapektuhan sa nangyayari sa trial by publicity, dahil alam nila kung paano ko ibinuhos ang aking panahon, oras at dedikasyon bilang Head Coach ng aming koponan”.

Inisa-isa rin ni Dela Cruz ang kanilang ginawang pagsisikap para itaas ang morale ng buong team at maka-kuha ng magandang team standing, “Sa katunayan, bago mag-umpisa ang Season 78 ng UAAP Men’s Basketball Tournament ay walang naniniwala na ang aming koponan ay makakarating sa Final 4. Subalit bunga ng pagkakaisa ng buong team kasama ang Coaching Staff ay nakarating kami sa Championship higit pa sa inaasahan ng nakararami”.

Umapela din ang dating coach sa publiko na huwag idamay ang UST sa issue dahil desisyon daw niya ng personal ang pag-alis sa team.

 

TAGS: Dela Cruz, Tigers, UST, Varsitarian, Dela Cruz, Tigers, UST, Varsitarian

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.