Sa round table discussion sa Kamara, binigyang diin nina ACTS CIS party-list Rep. Eric Yap at Ang Probinsyano party- list Rep. Ronnie Ong na marami na sa ngayon ang gumagamit ng PWD IDs kahit wala namang taglay na kapansanan.
Isa sa nakikitang problema rito nina Yap at Ong ay ang maluwag na prosesong sinusunod sa pagbibiday ng PWD IDs.
Ayon kay Ong, may ilang mga doktor na nagbibigay ng pekeng medical abstract, na nakakalusot naman sa pagsusuri ng mga lokal na pamahalaan.
Hihingiin ng mga kongresista ang listahan ng mga nabigyan ng lehitimo at pekeng identification cards upang maisapubliko at makita ang mga gumagamit ng fake PWD IDs.
Giit nila Yap at Ong, ginagawang katatawanan at winawalanghiya ng ilan ang mga PWD dahil sa paggamit ng pekeng ID.
Para kina Arpee Lazo at Beck Cortez ng PWD Philippines, dapat magkaroon na ng masterlist sa mga indibidwal na totoong may kapansanan.
Sinabi naman ni National Council on Disability Affairs- OIC Carmen Zubiaga na mayroong registry system para sa mga PWD ang mga LGU pero hindi ito seryosong naipapatupad.
Dapat na palakasin din anila ang security feature ng PWD IDs kung saan tulad ng ATM cards ay dapat rehistrado sa database ng lokal na pamahalaan bago maaring ma-activate para magamit ang mga benepisyo na taglay nito.
Gayunman, umaapela sina Yap at Ong sa mga nagmamalabis na itigil na ang iligal na gawain para na rin sa kapakanan ng maraming may kapansanan sa Pilipinas.
Dahil dito, nakatakdang ipatawag sa Kamara ang Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government (DILG) para alamin ang mga hakbang na dapat gawin para masawata ang problemang ito.
Layunin ng diskusyon na masawata ang pang-aabuso at pagkalat ng mga fake PWD ID na kadalasang ginagamit ng mga mayayaman at wala namang sakit para lamang makakuha ng mga discount sa mga establisyimento, gamot, pagkain at serbisyo.