OFWs na apektado ng travel ban sa Taiwan dahil sa banta ng COVID-19 tutulungan ng gobyerno
May matatanggap na tulong mula sa gobyerno ang mga Overseas Filipino Workers o OFWs na maaapektuhan ng temporary travel ban sa Taiwan na idineklara dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ito ang tiniyak ni Labor Sec. Silvestre Bello III, kasunod ng pangamba at pagkadismaya ng ilang mga OFW sa travel ban sa Taiwan.
Ayon kay Bello, kung ang OFW na apektado ng travel ban ay aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, sakop ito ng financial assistance ng gobyerno.
Bukod dito, makakatanggap din ang mga Pinoy workers ng iba pang tulong gaya ng accommodation at transportasyon, lalo’t may mga na-stranded o bibiyahe sanang OFWs patungong Taiwan, pero bigong makaalis dahil sa ban.
Nauna nang nagkaloob ang DOLE ng P10,000 na financial aid sa mga OFW na apektado ng travel ban sa China, Macao at Hong Kong.
Batay sa OWWA, sa pinakahuling tala kahapon (Feb. 11), umabot na saP49,330,000 ang nailabas na financial assistance ng pamahalaan para sa mga OFW na sapul ng travel ban.
Ang travel ban sa mga nabanggit na lugar ay idineklara ng pamahalaan bilang precautionary measure laban sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.