Mamamahayag na si Tony Calvento sinaksak ng sariling driver

By Ruel Perez February 01, 2016 - 02:41 PM
Calvento
FB photo

Nagsasa-gawa na ng follow-up operation ang San Pedro Police Station kaugnay sa umano’y tangkang pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Antonio Alberto Calvento o mas kilala bilang Tony Calvento na naganap noong Sabado ng gabi sa tahanan nito sa #47 J. Corazon DeJesus Street, Chrysanthemum Village Brgy. San Vicente San Pedro City Laguna.

Ayon kay P02 Cesar Rigodon, imbestigador ng kaso, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sina Calvento at ang driver nito na si Marcelo Marimon Jr. matapos itong utusan ng mamamahayag na tumaya sa karera ng kabayo sa isang Off-Track Betting o OTB.

Hindi naman matukoy kung ano ang pinagtalunan ng suspek at ni Calvento pero lumalabas sa inisyal na impormasyon na sinita umano ni Calvento ang suspek dahil na rin umano sa sumbong ng mga katulong nito ng pagiging arogante ng suspek na isang linggo pa lamang namamasukan sa kanila bilang family driver.

Matapos umano ang mainitang pagtatalo sa pagitan ni Calvento at ng suspek bigla na lamang bumunot ng mahabang kitchen knife na nasa 12 pulgada ang haba at inundayan ng saksak si Calvento.

Maswerte naman na nahawakan ni Calvento ang kutsilyo at saka nito tinawag ang anak na si Christopher para posasan ang suspek pero nakatakbo ito.

Nagtamo ng malalim na sugat sa kaliwang kamay si Calvento habang sa ngayon ay pinaghahanap pa ng pulisya ang suspek na kaagad tumakas matapos ang insidente.

TAGS: laguna, PNP, Tony Calvento, laguna, PNP, Tony Calvento

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.