SWS: 56% ng mga Filipino may kamalayan sa mga protesta sa Hong Kong
Mahigit-kumulang kalahati ng mga Filipino ang may kamalayan sa mga ikinakasang protesta sa Hong Kong, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas sa resulta na 56 porsyento ng mga Filipino ang nagsabing narinig nila o nakabasa ng mga balita o impormasyon ukol sa protesta sa nasabing bansa.
41 porsyento naman ang nagsabi na nalaman lamang nila ito kasabay ng isinagawang interview para sa survey.
Samantala, 33 porsyento sa mga Filipino ang nagsabing suportado ang Hong Kong demonstrators kung saan 15 porsyento ang ‘strongly support’ at 18 porsyento ang ‘somewhat support.’
Nasa 35 porsyento naman ang nagsabing hindi nila suportado ang protesta habang 32 porsyento ang ‘undecided.’
Isinagawa ang survey sa 1,200 Filipino adults sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula December 13 hanggang 16, 2019.
Ginamit ang sampling error margins na ±3% para sa national percentages at tig-±6% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.