Ito ang payo ni House Speaker Alan Peter Cayetano kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Cayetano, kailangang isipin ng Lopez-led broadcast corporation kung bakit umabot sa punto na nais ng Office of the Solicitor General na ipawalang-bisa ang kanilang prangkisa.
Sinabi ng lider ng Kamara na sa ilalim ng pamumuno at payo ni Pangulong Rodrigo Duterte, marami sa institusyon ng gobyerno kabilang ang Kamara na tinitingnan ang kanilang mga sarili.
Nagmumuni-muni anya sila upang alamin kung ano ang papel sa nation-building at kung ano ang mga reporma na kailangan para mapaglingkuran nang maayos ang Diyos at ang sambayanang Filipino.
Maari anya na gawin din ito ng mga miyembro ng media partikular ang ABS-CBN.
Paliwanag nito, base sa legislative agenda ng pangulo, pinag-aaralang mabuti ng Mababang Kapulungan ang prangkisa ng broadcast network dahil ito ay isa sa mga isyu na nakakaapekto sa bansa.
Bukod pa anya ito sa usapin ng 2019-novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD), African Swine Flu (ASF), rehabilitation efforts sa mga lugar na apektado ng pagputol ng Taal Volcano at ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Tiniyak naman ni Cayetano na gagawin ng Kamara ang kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas na pag-aralan at magpasya sa kapalaran ng ABS-CBN legislative franchise sa kabila ng nakabinbing quo warranto petition ng OSG sa Supreme Court.
Magsasagawa anya sila ng impartial na pagdinig kung saan pakikinggan ang bawat panig maging pabor o tutol sa pagpapalawig ng prangkisa ng broadcast network.
Ito anya ay nakasalig din sa paninindigan ng pangulo na pangangalagaan ang malayang pamamahayag.