Sirena, blinker hindi lisensya ng mga bumbero para pumatay at manira ng mga ari-arian – Pangulong Duterte
Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na maging maingat sa pagmamaneho.
Sa turnover ng mga fire truck sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, sinabi ng pangulo na hindi lisensya ng mga bumbero ang sirena at blinker sa pagresponde sa sunog para paharurutin ang mga fire truck.
Dapat kasi aniyang maging maingat pa rin ang mga bumbero.
Inihalimbawa ng pangulo ang nangyari sa Davao kung saan napatay ang isang bata nang masagasaan ng fire truck dahil sa pagresponde ng sunog.
Ayon sa pangulo, hindi sapat na basehan ang sunog para angkinin ng mga bumbero ang kalsada.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang naturang babala ay umiiral din sa mga drayber ng ambulansya.
Hindi naman aniya makukuha sa bilis ng takbo ng ambulansya ang buhay ng pasyante.
Ayon sa pangulo, mamamatay ang isang tao kapag oras na niya.
Pabiro pang sinabi ng pangulo na hindi na dapat na magmadali ang mga drayber ng ambulansya kung ang sakay naman ay ang mga nabaril na masasamang loob dahil sa pangambang gumawa lang ulit ito ng masama sa kapwa kapag nabuhay pa.
Ayon sa pangulo, nanganghulugan lamang ang sirena at blinker na tumabi ang ibang sasakyan dahil may rinirespondehang emergency.
Payo ng pangulo sa mga mayor, ipatupad ang batas para masiguro na hindi maabuso ng mga bumbero ang batas-trapiko at pribilehiyo na mauna sa kalsada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.