Patuloy na umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan sa malaking bahagi ng bansa.
Sa weather update bandang 4:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Ariel Rojas na makararanas pa rin ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon province at buong Bicol region.
Asahan naman ang maayos na panahon sa nalalabing parte ng bansa kabilang ang Metro Manila maliban sa mahihinang pag-ambon.
Ayon kay Rojas, nakapagtala ng mababang temperatura sa iba’t ibang parte ng bansa dahil sa Amihan.
Naitala ang pinakamababang temperatura sa Tuba, Benguet na may 8.2 degrees Celsius bandang Martes ng madaling-araw, February 11.
Sumunod rito ang Baguio City na may 10.8 degrees Celsius; La Trinidad, Benguet na may 12.9 degrees Celsius; Malaybalay City na may 16 degrees Celsius; at MSU, Marawi City na may 16.3 degrees Celsius.
Samantala, sinabi ni Rojas na walang inaasahang papasok o mabubuong sama ng panahon sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na tatlo hanggang limang araw.