Gobyerno pinaghahanda na sa epekto ng termination ng VFA

INQUIRER PHOTO/EDWIN BACASMAS

Pinaghahanda na ni House Committee on National Defense and Security Senior Vice Chair Ruffy Biazon ang pamahalaan ng plano kapag tuluyan nang tinapos ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos.

Ayon kay Biazon, kailangang gawing prayoridad ng gobyerno ang pagpasok sa transition mode at paghandaan ang maiiwan ng VFA.

Kabilang anya rito ang paghahanda sa disaster response at defense capabiity ng bansa.

Dapat din anyang baguhin ang defense at security strategies ng bansa.

Bukod dito, pinagco-convene ni Biazon ang Legislative Oversight Committee on Visiting Forces Agreement at Committee on National Defense and Security para talakayin ang hakbang na gagawin ng gobyerno.

Kailangan din anyang magkaroon ng pagbabago sa foreign relations strategy para makapag-adapt ang Pilipinas sa after-effects ng kanselasyon ng VFA.

Iginiit ni Biazon na ang panibagong development na ito ay dapat ikonsidera rin ng pamahalaan sa pagbalangkas ng 2021 proposed national budget, na nakatakdang isumite sa Kongreso sa mga susunod na buwan.

Dapat makapaloob anya sa panukalang pambansang pondo ang alokasyon para sa mitigation measures na kailangang ipatupad para sa security gap na resulta ng kanselasyon ng VFA.

Sinabi ni Biazon na binigyang diin na ng mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at National Defense ang kahalagahan ng Visiting Forces Agreement (VFA) pero nanaig ang nais ni Pangulong Duterte na putulin na ito.

Read more...