Ibinunyag ng Palasyo ng Malakanyang na nag-aalok ang United Kingdom ng military agreement sa Pilipinas.
Pahayag ito ng Palasyo matapos magpadala ang Pilipinas ng notice of termination sa Amerika para ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nilagdaan ng Pilipinas at Amerika noong 1999.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, bukas naman ang Pilipinas na magkaroon ng ugnayan sa UK at sa ibang bansa gaya halimbawa sa Russia at China bastat masisiguro lamang na magiging paborable sa bansa at magiging kapaki-pakinabang sa magkabilang partido.
“Basta palaging pabor sa atin. Basta may mutual benefit to both countries we are open but the President again I will repeat, he said that it’s about time we rely on ourselves. We will strengthen on our own defenses and not rely on other countries,” ani Panelo.
Pero sa ngayon, sinabi aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na palalakasin na muna ng Pilipinas ang pwersa ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas bago umasa sa ibang bansa.
Paiigtingin muna aniya ni Pangulong Duterte ang depensa ng Pilipinas.
Magiging epektibo ang notice of termination ng VFA ng Pilipinas pagkatapos matanggap ng Amerika sa 180 na araw.