Notice of termination sa VFA, nilagdaan na ni Sec. Locsin

Tuluyan nang nilagdaan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang notice of termination ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Iyan ay salig sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-bisa ang VFA.

Una nang sinabi ni Locsin sa pagdinig sa Senado noong nakaraang Huwebes na inihahanda na niya ang notice of termination ng VFA pero hindi pa ito ipinadadala sa Amerika habang hinihintay ang utos ng Presidente.

Bago ito mapawalang-bisa, kinakailangan muna kasing ipadala ang nasabing notice sa kabilang partido.

Mananatiling epektibo ang kasunduan sa loob ng 180 na araw bago ma-terminate, alinsunod sa Article IX ng VFA. Hindi pa nagsisimula ang 180-day period dahil hindi pa ito naipapasa sa Estados Unidos.

Nag-ugat ang kanselasyon sa kasunduan makaraang ipawalang-bisa ng Kongreso ng Amerika ang US visa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Si Dela Rosa at iba pang alyado ni Pangulong Duterte ay pinagbabawalang makapasok sa Amerika dahil sa pagsasabwatan umano sa pagpapakulong kay Senador Leila de Lima.

Read more...