Pagtatag ng komisyon na magtitiyak ng sapat na pagkain kapag may kalamidad itinutulak sa Kamara
Isinusulong ni House Deputy Majority Leader Camille Villar ang pagbuo ng isang komisyon na magtitiyak ng sapat na pagkain para sa mga biktima ng sakuna o kalamidad, tulad ng nangyaring pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 5785 o ang “Right to Adequate Food Framework Act” na inihain ni Villar, layon nito na magtaguyod ng karapatan para sa sapat na pagkain gayundin sa paggawa ng mga polisiya tungkol dito.
Nakasaad sa panukala na ang komisyon ay sasailalim sa Office of the President para magkaroon ng monitoring at oversight functions.
Layon din ng panukala na makamit ang “zero hunger” sa bansa sa loob ng 10 taon sa pamamagitan ng pagdevelop at implementasyon ng isang nationa food program na magbibigay karapatan sa mga Pilipino sa itinakdang dami ng pagkain.
Paliwanag pa ni Villar na ang itatatag na komisyon sa tulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang magtakda ng nararapat na food emergency response sa loob ng early warning responses at disaster preparedness; at maniguro na ang mga food responses ay organisado, masiba, epektibo at naaayon sa karapatan para sa sapat na pagkain at international standards sa mga panahong may sakuna.
Maaari ring makipagtulungan ang ipinapanukalang Komisyon sa pinaplanong Department of Disaster Resilience (DDR) kung saan makakabawas ito sa trabaho ng huli at mabibigyang pagkakataon na tumutok sa iba pang mahalagang disaster response mechanisms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.