Pamahalaan bubuo ng maliit na cabinet cluster para sa novel coronavirus
Ikinakasa na ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng maliit na cabinet cluster na tutugon sa 2019 novel coronavirus.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, bubuuin ito ng mga kinatawan mula sa Department of Health, Department of Trade and Industry, Department of Tourism, Department of Finance, National Economic Development Authority, Bangko Sentral ng Pilipinas at Presidential Communications Operations Office.
“Actually, gumagawa na rin kami ng cluster para magkaroon kami ng regular assessment sa nangyayari doon sa n-CoV ‘no? So, binubuo na po namin especially siguro dahil kailangan na natin na gumawa nung mga more regular bulletins or information doon sa mga nagtatanong tungkol sa nCoV,” ayon kay Nograles
Layunin aniya ng maliit na Cabinet cluster na tingnan at siguruhin ang kalusugan ng mga Filipino na makaiwas sa coronavirus.
Ayon kay Nograles, magkakaroon ng regular assessment ang Cabinet cluster.
Target din aniya ng Cabinet cluster ang magkaroon ng regular bulletin o information campaign para masagot ang katanungan ng publiko ukol sa coronavirus.
“So, mayroon po tayong ibubuo na parang small cluster ng mga members from the Department of Health, from DTI, from Department of Tourism, Department of Finance, NEDA, pati Bangko Sentral ng Pilipinas tapos isasama na rin namin ang PCOO pati ang PIA para, number one: Tingnan natin ‘yung on a regular basis ‘yung safety, ‘yung good health ng ating population,” dagdag ni Nograles
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.