Inanunsiyo ng pamunuan ng University of the East (UE) na negatibo ang isang Grade 12 student sa 2019-novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).
Ito ay matapos magpakonsulta ang estudyante mula sa UE Manila Campus bunsod ng umano’y “malaise but without fever or coughing.”
Napag-alaman din sa isinagawang check up na nagdiwang ang estudyante kasama ang kanilang pamilya ng Chinese New Year sa Hong Kong.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng unibersidad na agad dinala ang estudyante sa UE Ramon Magsaysay Memorial Hospital (UERMMH) para sa karagdagang obserbasyon sa estudyante.
Agad ding nagsagawa ang UERMMH ng pagsusuri sa estudyante katuwang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sinabi ng UE na lumabas sa resulta ng pagsusuri na negatibo sa nCoV ang estudyante.
Sa halip, ayon sa UE, nagkaroon ang estudyante ng upper respiratory tract infection at allergic rhinitis.
Sa ngayon, nakalabas na ng UERMMH ang Grade 12 student.
Tiniyak din ng pamunuan ng unibersidad na tuluy-tuloy pa rin ang pagsasagawa ng thermo-scanning sa sinumang pumapasok sa bisinidad ng UE.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.